Sunday, October 3, 2010

Course Description, etc.

KATANGIAN NG KURSO

Habang ang Kasaysayan 165 ang nag-ugat sa makasaysayang pag-unlad ng Pilipinas mula sa panahon bago ang pananakop ng mga Espanyol hanggang sa Rebolusyon ng 1896-1897, ang Kasaysayan 166 naman ay tumututok sa mga hamong kinaharap ng Pilipinas sa pagtatangka nitong makapagtatag ng malaya at demokratikong republika. Ang kurso ay tumatalakay sa pagkabuo ng pambansang pagkakakilanlan at pamahalaan sa huling bahagi ng ika-19 hanggang unang bahagi ng ika-20 na dantaon; ang pagpasok ng Estados Unidos at ang Digmaang Pilipino-Amerikano; ang mga karanasan sa ilalim ng kolonyal na pamamahala ng mga Amerikano; ang paghahanda para sa kalayaan, ang mga pangyayari ng digmaan at pananakop sa ilalim ng mga Hapones; at ang mga pakikibaka ng batang republika. Ang kurso ay magtatapos sa deklarasyon ng Batas Militar noong 1972 at mga kaugnay na pangyayari matapos nito, nang panandaling nagwakas ang eksperimento ng bansa sa demokrasyang maka-kanluranin.


MGA LAYUNIN NG KURSO

Magkaroon ng pag-unawa sa makasaysayang pag-unlad ng Pilipinas mula sa Kasunduan sa Biak-na-Bato hanggang sa kasalukuyan.

Magkaroon ng kakayahang suriin ang mga pangkasalukuyang suliranin ng Pilipinas mula sa isang makasaysayang pananaw. Sa klase, ito ay tatangkain sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga kahinaang institusyonal ng estado ng bansa at ang ugnayang estado-lipunan.

Makilala ang iba’t ibang pwersang panlipunan sa loob at labas ng Pilipinas na nakapagbigay hubog sa mga karanasang pangkasaysayan ng Pilipinas.


BALANGKAS NG KURSO, PAKSA NG TALAKAYAN AT SCHEDULE NG KLASE

- Pambungad: Pag-aaral ng Kasaysayan, ugnayang estado-lipunan

- Unang Bahagi: Estado at Lipunan sa Pilipinas (1872-1901)
> Pagpapakilala sa Estado at Lipunang Pilipino
> Kolonyal na estado sa Ilalim ng Espanya
> Ang Rebolusyon at ang Republika ng Malolos
> Imperyalismong Amerikano at Digmaang Pilipino-Amerikano

- Ikalawang Bahagi: Pamahalaang Kolonyal sa ilalim ng Estados Unidos (1902-1946)

> Pamahalaang Sibil, Administrasyong Taft, at Pagpapatuloy ng Digmaan
> Pilipinisasyon at Tugon sa Administrasyong Harrison at Wood
> Kapanahunang Commonwealth at Paghahanda sa Kasarinlan
> Ang Pananakop at Pamamahala ng mga Hapon

- Ikatlong Bahagi: Ang Post-kolonyal na Republika, Rehimeng Marcos, at Unang EDSA (1965-1986)

> Post-kolonyal na Republika at ang Kilusang HUK
> Unang Panunungkulan ni Marcos, 1965-1972
> Mga Ugnayang Panlabas at Kalagayang Panlipunan sa Dekada 60
> Ang Pagtasa sa Batas Militar, 1972-1981
> Ang Pagpaslang kay Aquino at EDSA People Power, 1983-1986